Waiting for the Miracle

Thursday, April 26, 2007

muli

Matagal na mula nang huling umagos ang mga luha buhat sa aking mga mata.

Nakalimutan ko na lang din siguro kung paano ang gagawin kapag nababalot sa ganitong damdamin.

~~~

Sobra kasing dami ng inatupag ko ngayong semestre kaya nawala sa sirkulasyon ng pag-iisip ko ang dapat na binibigyang-pansin nang husto. Nariyan at gumambala ang pakombo-kombo sa tabi-tabi, ang pag-aaral para sa mga pagsusulit, ang pagpupursigi sa pagtapos ng huling proyekto sa kolehiyo, at ang walang sawang tulog-lamon-tambay sa loob ng laboratoryo (tama, kasama sa inaatupag ang mga 'yan).

Nagkamali ako. Hindi ko nabigyan ng sapat na panahon ang gusto ko sa buhay.

Ang buong akala ko ay manunumbalik ang lahat sa karaniwan kung iiwan ko lang nang saglit ang aking minamahal, at babalikan matapos ang panandaliang pagsasarili. Hindi pala. Babalik pala ako sa umpisa. Parang walang narating. Walang pagkakaiba. 'Di na natuto.

~~~

Sabi ko sa sarili ko dati, hindi na ako muling luluha. Hindi na ako tulad ng dati. Hindi na dapat ako naaapektuhan ng ganitong bagay. Hiwalay na ang aking pag-iisip sa nararamdaman, at sa awtomatik na reaksyon ng katawang tao. Ngunit ilang beses ko mang inulit-ulit na pagsabihan ang sarili ko nito, naroon pa rin ang mga butil ng luha. Isa-isang namuo sa gilid ng aking mata. Isa-isang dumaloy sa aking pisngi. At sa bawat pag-alala ko na huli na ang lahat upang makabalik sa nakaraan at makapaghanda nang mas mabuti, mas lalong tumulin ang pag-agos. Hindi ko na rin napigilan at napapikit na lang ako; mistulang pinipiga na lamang ang mga mata upang matuyo ang mga ito at mailabas ang natitirang mga luha.

Iyon na lamang ang tangi kong nagawa. Habang sarado ang mga mata at tikom ang bibig, ako'y dumaramay sa sarili.

Tahan na. Lilipas din 'yan. Sa susunod ay mas matibay ka na.

~~~

Nahimasmasan na ako.

Binawasan ko ang bangis at higpit na naipon sa aking mga kamao.

Dumilat nang walang bahid ng dalos.

Nagkamali ako. Hindi ko nabigyan ng sapat na panahon noong nakaraang semestre ang nais ko sa buhay.

Sa pagbigkas ko nito sa aking isip, tinipon ko ang pinagbalatan, itinapon ang mga iyon sa basurahan, at itinabi ang pinaghiwaan sa gilid ng sangkalan.

Tapos na ang sibuyas. Kamatis naman.


~~~

Je prie pour tout. Tous les jours.

~^_^~

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]



<< Home