Waiting for the Miracle

Monday, March 12, 2007

maikling-maikling kwento

Tatlong gabi nang nag-uubos ng lakas ang isang binata sa paghampas ng dalang maso sa nakatayong hilera ng magkakapatong na naglalakihang mga bato. Tila kaaahon lamang niya mula sa isang sapa sa pagkabasa ng yayat na katawan. Halos triple na ang bigat ng kanyang damit dulot ng pawis na naipon nito. Kalyado na ang mga kamay ng lalaki at naghalong dugo at pawis na rin ang nasisipsip ng kahoy na hawakan ng maso. Pagod na ang kanyang mga braso ngunit tuloy lang sa paghampas.

*Braggh! Braggh!*

Sa kadiliman ng gabi ay tanging ang paghalik lamang ng bakal sa bato ang maririnig na ingay sa kagubatan. Walang senyales ng ibang buhay na napapadpad sa kasukalang kinatatayuan ng lalaki maliban sa mga matatandang baleteng lumiligid sa kanya. Mistulang inuudyok siya ng mga itong sumuko at umuwi na lamang.

Tumanaw muli ang lalaki paitaas. Hindi maaaring maakyat ang harang sa tayog nito. Sa sinag ng buwan ay maaaninag ang mamasa-masang pisngi ng higanteng pader. Nagmistulang pundasyon lamang ang kinakaharap ng binata. 'Di masipat ang tuktok o kung ano ang hiwagang naghihintay sa kabilang ibayo. Bumalik sa trabaho ang lalaki, iniisip ang tunay pakay sa pagbuwag ng mga bato.

Ilang sandali pa ang lumipas nang biglang

*Krak!*

Ang pagkabali ng sanga mula sa sahig ng gubat ay umalulong sa lalim ng katahimikan. Biglang tumalikod ang binata at inihanda ang maso sa kung ano ang masasagupa. Maya-maya lang ay lumitaw na ang inaabangan: isang lalaking may katangkaran ngunit balingkinitan ang katawan. Matanda lamang ng kaunti sa kanya at may dala-dalang pala itong pala.

"Sino ka at ano ang ginagawa mo rito?!" takot na tanong ng de masong binata.

"Ako si Oblak, isang manlalakbay mula sa kaharian ng Gapang. May kailangan akong makuha sa kabila ng pader," tugon ng lalaki, "At ikaw?"

Sagot ng binata, "Hindi mo na kailangang malaman. Basta may nais din akong makuha mula sa kabila. Ano ang kailangan mo mula roon?"

"Ang buto ng Tsokolateng Nababalot ng Misteryo. Isang araw lang kailangan upang tumubo. Nagbubunga ng tsokolateng makakain na nang diretso. Kahit ilan ang pitasin, hindi nauubos. Kahit ilan ang kainin, hindi sasakit ang sikmura, hindi pagsasawaan," hayag ni Oblak.

"Ano naman ang iyong pakay?" tuloy ni Oblak.

Nagsalaysay ng binata, "Magluluto ang aking ina ng Mahiwagang Kare-Kare. Lahat ng putahe ay akin nang nahanap maliban sa isa. May nakapagsabi sa akin na sa kabilang dako nitong pader matatagpuan iyon.

"Sa ngayon ay mayroon nang karne, sitaw, talong, at siyempre ang Aling Marquita Special Peanut Butter. Ang natatanging putahe na kulang pa ay ..."

"Nasa kabilang dako ng pader," panghimasok ni Oblak, "Hindi mo maaaring matibag ang pader na ito sa pamamgitan ng masong hawak mo. Buhay ang pader sa ibabaw ng lupa. Nararamdaman nito ang nasa isip at puso mo. Kung gaano katindi ang kagustuhan mong makapasok sa loob ay siya ring antas ng tibay ng kanyang mga bato. Kailangan mong humanap ng ibang paraan. Gaya nito."

Inangat ni Oblak ang pala gamit ang isang kamay. Bago at makintab pa ang bakal na talim nito. Hindi pa nababahiran ng lupa. Nasilaw nang bahagya ang binata sa liwanag ng buwang isinalamin ng pala.

"Ngunit ito lang ang tanging kagamitang matatagpuan sa bayan namin!" Halos sumigaw na ang binata sa pagsabi nito, "Maipapahiram mo ba sa akin iyan?"

"Hindi," sagot ni Oblak nang walang pagbabago sa anyo ng mukha, "Marami nang kaguluhang nagaganap sa kaharian namin. Tanging ang Tsokolate ang sagot sa mga problema. Kailangang maiuwi ko ito sa amin sa lalong madaling panahon. Sisimulan ko na ang aking paghuhukay. Ngayon."

At naghukay na nga si Oblak, ilang metro lang ang layo sa kinatatayuan ng binata.

"Oblak, pahiram naman saglit ng pala mo!" sigaw ng binata.

Hukay pa rin nang hukay si Oblak. Walang imik. Matulin siyang kumilos. Ilang minuto lamang ay nahigitan na niya ang ginawa ng binata nang tatlong gabi.

Inggit ang dumaloy sa dugo ng binata. Nagmamatyag na lamang sa ginagawa ni Oblak. Iniisip kung susunod na lamang sa loob ng butas sa lupa. Ngunit mapagmalaki ang binata. Kumapit nang mahigpit sa maso at hinataw ang dambuhlang pader nang buong lakas.

"Guguho ka rin!" sambit ng binata na may halong pangungutya sa pader.

Sa paghampas ay natinag nang kapiranggot ang higanteng dingding. Tuloy lang sa paghampas ang binata. Sa bawat pagtatagpo ng maso at pader ay dumarami ang natitibag na bato. Sa bawat palo ay unti-unting nabubuhayan ng loob ang binata. Nararamdaman na niyang manipis na lang ang pader sa harap niya. At ilang hataw pa ng maso ay nabutas na rin ang pader.

Tila naghihintay si Oblak sa pagdating ng binata.

"Paano ko nagawang matibag ang pader ngayon? Tatlong gabi akong nagpapakahirap at walang nangyari," takang-takang tanong ng binatang lalaki.

Nagpaliwanag si Oblak, "Dahil hindi mo ginustong makarating sa kabilang dako ng pader kanikanina lang. Iniisip mo lang na mawasak ang pader at ang pader lang. Nilimot mo ang lahat maliban sa pagtibag ng pader. Hindi naramdaman ng pader ang hangarin mong marating ang kabilang banda. Walang naisaling damdamin ang pader bilang kanyang tibay. Matagumpay ka. Makukuha mo na rin ang hinahanap mong..."

"Sandali lang! Bakit nga hindi na lang ganun ang ginawa mo kung pwede naman pala?!" tanong ng binata.

"Mas madali 'to eh. Ang kapal-kapal ng pader na yan, magpapakapagod ako? Hindi ako tanga! Saka magaling akong humukay eh," sabi ni Oblak, may hangin sa pananalita.

Hindi na nakapagsalita ang binata. Titig pa rin ito kay Oblak, habang si Oblak ay nakangiti lamang na parang asong ulul na kumakalat sa baryo.

"May araw ka rin, Oblak."


~~~

Le mur est fort. Mon marteau, plus fort.

~^_^~

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]



<< Home