Waiting for the Miracle

Monday, February 12, 2007

quiapo

Mag-tatatlumpu't limang minuto na ang lumipas mula nang pumasok ako dito sa restawran. Pagod na kasi ako kaya naisipan kong pumasok sa liblib na kainang ito sa kalagitnaan ng Quiapo. Iilang tao lang ang naririto; wawalo lang siguro, puwera ang tatlong weyter at 'yung kahera. Luma na ang mga kahoy na mesa at manilaw-nilaw na rin ang ilaw na pinapakawalan ng mga bumbilyang nakasabit sa mababang kisame.

Nasa sulok ako ngayon, nakaupo. Nagpapahawi ng sakit ng mga binti habang nilalaro ang natitirang pansit kanton sa aking pinggan gamit ang tinidor sa kaliwa kong kamay. Kanina pa ako tapos kumain. Kaya ko nang maglakad ulit kanina pa, ngunit pinipigilan ako ng isang matinding damdamin.

Mula sa oras na kinuha niya ang aking order ay mistulang nahumaling na ako kanya. Matangkad, moreno, maganda ang hubog ng mga braso at balikat, malinis ang hitsura, at maamo ang awra. Habang kumakain ako kanina ay nakapirmi ang aking mga mata sa kanya. Siya naman ay nakangiting nakikipagbidahan sa mga kapwa-weyter. Napangiti rin ako sa dimple na lumalabas sa kanyang kanang pisngi. May isang segundo rin kami ng nagpang-abot na mga tingin. Napayuko ako nang bahagya. At napangiti na naman.

Ngayon ay malapit na ang aking eskapo. Tinaas ko ang aking kamay at gumuhit ang mga daliri ko ng parisukat sa ere, hudyat kay dreamboy na kukunin ko na ang tseke para sa aking kinain. Iniabot 'yun sa kanya ng kahera. Maya-maya lamang ay papalapit na sa mesa ko ang binata, matipuno ang paglakad, plantsadong-plantsado pa rin ang puting polong suot nito.

Nasa harap ko na siya. Ngumiti. Lumitaw ang kanyang mapuputing ngipin sa gitna ng kahinaan ng ilaw at nilapag ang aking bayarin sa mesa.

"Bill niyo po, sir," wika ni Matt.

Matt pala ang pangalan ng anghel na ito. Kumikislap pa ang kayang nameplate dala ng mga ilaw nang maaninag ko ang pangalan niya. Hinugot ko ang pitaka ko sa kanang bulsa ng aking pantalong kupas at kumuha ng sobrang pambayad.


"Heto o," sambit ko.

Kinuha niya iyon at dinala sa kahera. Ako nama'y sinundan siya ng tingin, mula sa pagtalikod hanggang sa pagdating sa paroroonan. Mula sa kanyang makintab na pamasok na sapatos hanggang sa buhok na kumikintab sa pinahid na hair gel. Sa pagmamatyag ko ay pawag tinitikman ko ang bawat pulgada ng kanyang katawan. Hayan at pabalik na si Matt.

"Sir, your change," sabi ni Matt habang binibigay ang aking sukli.

Inabot ko ang perang papel buhat sa kanyang palad sa paraang mahahaplos ko ang kanyang mga mahabang daliri. Sa saglit na ito ay inilapat ko ang aking mga mata sa direksyon ng kaniya, at binasa ko ang aking mga labi gamit ang aking dila. Binigyan ko rin si Matt ng aking matamis na ngiti pagkatapos.

"Salamat, Matt," malumanay kong sinabi. Masarap banggitin ang pangalan niya.

At unti-unting dumulas ang kanyang mga daliri sa akin. Nakangiti rin ang kanyang mga mata sa paglayo mula sa aking puwesto. Ilang hakbang pagkatapos ay lumingon pabalik sa aking kinalalgayan upang masulyapan ko lamang muli ang kanyang dimple. Nasa langit na yata ako.

Tumayo na ako at tumungo sa labasan. Hindi na muna ako lumingon pabalik upang matanaw siyang muli. Magkikita kami ulit, alam ko. Madalas akong maglakad sa Quiapo. Madali rin akong mapagod. Kapag nasa kalibliban na naman ako nito ay sasakit na naman ang akig mga binti, magugutom, at papasok sa pamilyar na restawran. Sa kainan kung saan naroon si Matt, upang hainan akong muli ng kanyang pansit kanton.


~~~

How gay.

~^_^~

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]



<< Home