Waiting for the Miracle

Tuesday, February 06, 2007

barya lang po sa umaga

Naiinggit ako sa mga taong masaya. Masamang mainggit pero hindi ko maiwasan. Sabi ng marami, dapat makuntento ka na sa kung anong mayroon ka ngayon. Ang sabi ko naman, walang nangingialam.

Ang pagkainggit ay pagkainggit lamang. Gaya ng ibang damdamin, isa lang siyang abstrak na konsepto na namumuo sa isipan, naninirahan sa puso, sinasalamin ng mata, at ipinaliliwanag ng dila. Wala itong pinagkaiba sa pagkagalit, pagiging malungkot, pagkatakot, at-- sa kinaiinggitan ko nga-- kasiyahan.

Hindi ako masaya ngayon. Maraming problema, kapos sa oras. Maraming ambisyon, wala naman yatang tutunguhan ni isa. Panay kalokohan, wala namang binatbat. Walang sawa sa pagngiti ang mga labi, lumuluha naman ang kaluluwa.

Hindi ko alam ang pormula sa pagkakamit ng kasiyahan. Wala naman nasusulat. Sabi-sabi lang. 'Pag kuntento ka raw, masaya ka. Malayo ako sa pagiging kuntento. Hindi na ba ako sasaya? Mauuwi na naman ako sa inggit niyan. May kilala kasi ako, masaya kahit hindi niya makukuha ang pinapangarap niya ngayon. Sabi pa nga niya, tinatanggap na lang niya ang ilang mga sandaling nagbibigay sa kanya ng kapiranggot na kasiyahan. Sa pagtitipon ng mga 'yon ay sumasaya na rin siya.

Dapat sigurong gumaya muna ako sa kanya ngayon upang mapawi nang sandali ang aking inggit. Bawat ngiti, bawat sulyap, bawat titigan, at bawat taas ng kilay ay pawang mga barya niyang ihinuhulog sa kanyang alkansiya. Habang wala pa siyang 'ustong halaga upang mabili ang ninanais ay iniipon niya ang mga mumunting kayamanang kanyang nasasalubong. Sa takdang oras ay ilalabas ang lahat ng natipon, ihahanda ang sarili sa paghamig ng inaasam, at ngingiti sa napipintong tunay na kasiyahan.


~~~

J'ai été prêt désespérer mais tu m'as appelé.

~^_^~

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]



<< Home