Waiting for the Miracle

Wednesday, February 28, 2007

araw-araw

Tuwang-tuwa ako kada hapong sinasamahan ko siyang maglakad pagtapos ng mga klase. Sinasadya kong bagalan ang aking lakad para tumagal ang sandaling oras na kami ay nagkakasama. Dumidikit din ako sa kanya habang naglalakad kahit malawak ang kalye. Ginagawa ko 'yun upang magkabangga ang aming mga bisig at magkabuhul-buhol ang aming mga daliri sa bawat ugoy ng braso. Para sa akin, ang haplos ng kanyang kutis sa aking balat ay nasasalin sa paglambot ng aking mga tuhod o kaya ay pangingilo ng mga ngipin. Nakakikiliti minsan.

Araw-araw ay hinihintay ko ang mga pagkakataong 'yun. 'Pag lalabas na siya sa huling klase niya ay naghihintay na ako sa labasan. Nakangiti at hindi alam kung saan titingin habang naglalakad na siya palapit sa akin. Kukumustahin ko siya pagdating niya sa harap ko. Tatabihan nang bahagya para magkapag-usap kami sa mahinang boses. Mas mukhang nagkakapalagayan kami ng loob kung ganun.

Ilang minuto lang kami magkasama sa bawat beses na mangyayari ang ganito. Tama nga ang sabi nila. Mas mabilis pa sa lintik ang paglipas ng oras kapag kasama mo ang gusto mo. Pag wala naman siya sa tabi mo ay parang dantaon ka nang nagmumukmok at hindi pa rin tapos ang penitensya mo sa buhay.

Isa lang ang ruta namin sa tuwing maglalakad pauwi. Sa ilalim ng hilera ng mga higanteng acaciang lumiligid sa kalye ng paaralan. Sa dulo ay naroon ang terminal at paradahan ng mga sasakyan. Pagdating doon ay isasauli ko ang kanyang mga gamit at magpapaalam. Susundan siya ng tingin habang siya ay tutuloy sa paglalakad at lalapit sa naghihintay na asul na kotse. Bubukas ang pinto 'nun at sasakay siya.


Natatanaw ko pa rin siya sa kinatatayuan ko. Nakaupo siya sa harap ng sasakyan. Bago lumarga ay lalapit ang nakaupo sa likod ng manibela at hahalik sa kanyang mga labi. Sa labi ko naman ay matitikman ko ang alat ng luhang pumapatak mula sa aking mata.

Araw-araw.

~~~


I'll be going on hiatus! Hehe. Just had to use that word. I'm thinking of straightening out my life for the mean time. I'll return when everything is in order.



~~~


J'attends pour le miracle. Encore.


~^_^~

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]



<< Home