Waiting for the Miracle

Saturday, October 15, 2005

,,

Matapos ang isang napakahabang pagsusulit sa isang napakahirap na sabjek ay sumakay ako ng dyip para makarating sa aking paroroonan at sa kinauupuan ko sa loob ng naturang dyip ay napalingon ako nang panandalian sa aking gawing kaliwa kung saan natagpuan ko sa aking tabi ang isang mag-aaral na nakilala ko sa mukha dahil siya ang mag-aaral na naglalakad sa likuran ko kanina pa magbuhat nang lumabas ako sa gusaling pinagkunan ko ng mahabang pasusulit.

Dahil nga sa kilala ko ang mag-aaral na ito ay tumitig ako sa kanyang mga mata at ibinalik niya rin sa akin ang ganitong pagtitig at sa gitna ng pagbabayad ng isang ale ng kanyang pamasahe at sa pagkislap ng mumunting dilaw na ilaw sa itim ng mga mata ng naturang katabi ko ay pinakawalan ko sa hangin ang katanungang ito:

Ano ang mas gusto mo comma o period?

Kapansin-pansin ang bakas ng pagkagulat at pagkagulantang ng aking katabi sa mga katagang lumabas sa aking bibig at pumasok sa kanyang mga tainga ngunit hindi ko rin masabi kung nagulat siya sa bigla kong pagtatanong o sa kalaliman ng aking katanungan at habang iyon nga ang aking pinag-iisipan ay bahagya nang kumalma ang katigasan nang kanyang panga at bumagal ang pagtibok ng kanyang puso sabay tugon nang ganito:

Ha? Period. Para wala nang part two.

Hindi agad ako nakasambit ng aking opinyon ukol sa kanyang sagot at hinintay ko pang kumurap nang dalawang beses ang aking mga mata bago ako tuluyang lumiyad sa aking matalas na pagtitig at nag-isip nga ng aking maigaganti sa kanyang kuro nang bigla kong maalala ang isang kaibigang hindi gumagamit ng tuldok kapag siya ay nagte-
text bagkus dalawang kuwit ang ginagamit sa tuwing magtatapos ng isang pangungusap at sa pagkaalala ko nga nito ay wala sa isip akong sumagot:

Gusto ko comma kasi mas maraming sinasayang na tinta kapag nagsusulat.

Sa pagsasalita ko nito ay hindi ko namalayang umaandar na pala sa kanyang sarili ang aking utak at iniiwan na pala niya ako sa mundo ng katotohanan habang ibinabaaon sa isipan ko ang ganitong paniniwala upang aking maalala sa isang natatanging panahon tulad ng isang hapong paglalakad sa bangketa at maiisip na gumagamit malamang ng dalawang kuwit ang aking kaibigan sa bawat pangungusap upang ipaglaban ang pilosopiyang mas mabuti ang isang napakahabang sandali kaysa sa isang tuwiran at ganap na pagwawakas:

Mas gusto ko nga siguro ang comma para may part two.

~~~

Life is troublesome without commas.

~^_^~

6 Comments:

  • mas maganda colon-parenthesis para smiley.

    By Anonymous Anonymous, At 1:41 PM  

  • This comment has been removed by a blog administrator.

    By Blogger Rac, At 9:22 AM  

  • pogi siguro itong kaibigan mong gumagamit ng dalawang kuwit, ano? at sigurado akong diosa ng kagandahan ang kaniyang kasintahan. ;p

    By Anonymous Anonymous, At 9:23 AM  

  • This comment has been removed by a blog administrator.

    By Anonymous Anonymous, At 9:23 AM  

  • pare ang korni ng period.
    pero dalawang magkasunod na period ok yun. yun ang undecided..

    By Anonymous Anonymous, At 9:13 AM  

  • tol tama ka jan, madalas dalawang magkasunod na period na nga gamit ko..
    ~^_^~

    By Blogger thejoketh™, At 2:13 AM  

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]



<< Home