Waiting for the Miracle

Friday, September 02, 2005

buhay sa primera *

Hindi ko alam pero binagalan kong sadya and lakad ko. Nakakaperwisyo na nga yata ako sa mga naglalakad sa likuran ko. Lahat sila mabilis maglakad. 'Yung iba, binabangga pa ako para mauna sa akin. Nagmamadali.

Bakit ba? Nagmamadali rin naman ako ah. Hindi ko nga lang ipinapakita ngayon. Walang pakialaman.

Sanay ako sa buhay na mabilis. Laging nagmamadali. Ayaw na ayaw kong naghihintay. Maikli ang pasensya. 'Pag nababagalan ako sa isang bagay, naaasar ako. 'Pag mabagal ang pick-up, kinaiinisan ko. 'Pag mabagal sumagot, iniiwan ko.

Pero, ayos lang ako ngayon. Kahit na muntik nang mahulog ang bag ko dahil sa pagsanggi sa akin 'nung isang mama. Kahit na nararamdaman kong nagagalit na 'yung sumusunod sa akin dahil sa kabagalan. Kahit na maraming umuuna sa akin.

Madami rin naman akong naranasan sa mabagal kong paglalakad. Nakita ko kung paano namumuhay ang iba't ibang uri ng tao. 'Yung ale, abalang-abala sa pakikipagnegosyo sa kanyang suki. Si manong, masayang kumakain ng balot sa kanto. May magkasintahan, H-H-W-W-P-S-S-P. Huwaw naman. Habang ako, nakakapag-isip nang malalim sa gitna ng lahat ng kaguluhan.

Hindi naman pala masama kung maghinay ako paminsan-minsan. Okey lang magbabad sa primera kahit bumubusina na nang todo ang lahat ng nakabuntot sa akin.

Sana lang, pagkatapos ng lahat, ay maliwanagan ako-- kung bakit ko hinayaang patakbuhin nang mabagal ang oras sa aking isipan, habang nakikipagpaligsahan ang mga tao sa mundo laban sa isa't isa. Sana ay maintindihan ko kung bakit pinili kong maglakad nang mabagal, kahit na kating-kati na ang mga binti kong nagpupumilit nang tumakbo. Habang hindi ko pa nahahanap ang mga kasagutan, kaunting tiis lang. Kaunting hintay. 'Di magtatagal, sasabak na rin akong muli sa bilis ng agos, kasama nang muli ang mga batak sa paglalakad nang matulin. Walang hinihintay. Walang pasensya.


*unang post sa wikang Tagalog

~^_^~

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]



<< Home